Thursday, June 2, 2011

IDOL ko si Rizal

Simple lang naman ang pangarap ko sana sa taong ito: bago matapos ang taon, sa taon ng ika-150 na kaarawan ni Rizal – makapunta ng Madrid, Espanya! Malamang hindi pala ganun ka simple. Pero di bale nang mukhang di matutupad iyon, nakapunta naman ako sa Dapitan - nanirahan at malalim din naman ang impluwensiya ni Rizal sa lugar na yun. Sa ngayon, ngayon lang, sapat na siguro muna yun.

 


IDOL KO SI RIZAL.. sa pagmamahal wika!


 

Lumaki ako sa lugar ng Tag-Bis, di purong bisaya at di din purong tagalog. Ang mga makatas managalog, pinagtatawanan  (o natutuwa sa) ang tono namin pag nagtagalog; ang mga malalim naman magBisaya – ikinakatwa ang aming Bisaya at sinasabing hindi ito totoo. Pero kahit pinanganak ako at lumaki sa lugar na yun, natuto akong magBisaya nung nasa kolehiyo na ako. Mga dayo din ang pamilya ng aking mga magulang sa Davao kaya’t sa bahay lumaki kaming mas Tagalog at Ingles. Syempre – “colonial mentality” so talagang English Speaking at lalo na nung “highschool” – bawal (in general/most of the time) ang managalog or magbisaya, may fine kapag nahuli ka. Sashal ang Ateneo eh kailangan English Speaking ang mga students – kahit na wrong grammar din naman paminsan-minsan pero ika nga ‘practice makes perfect’ – so spokening dollars kami lagi, lalo na pag may teacher.

 

Pero, hindi naman siguro ako babarahin ng mga kaklase ko at mga kabatch ko kung sasabihin kong mataas ang kakayahan kong magsulat sa wikang Filipino o kaya Tagalog. Naging Filipino editor pa nga ata ako ng 'school paper' kung di ako nagkakamali. At kung naaalala ko din, ang “write up” din tungkol sa akin sa aming taunang aklat (yearbook) ay may patungkol sa pagsusulat ko sa wikang Filipino. Si Dindin Pineda pa nga ata ang nagsulat nun, tanungin niyo sya kung bakit niya naisulat yun.

 

Ang punto ko lang ay noon pa man gusto ko talaga ang ating wika. May ibang lambing at lalim, tapang at katotohanan ang wikang Filipino kung ikukumpara sa Ingles.  Hindi yung “bastardized” Tagalog/Filipino na malimit gamitin ngayon ng mga lintik na reporter ha, yung totoo, yung mas sinauna. Di bale na kung mataas ang impluwensiya dito ng mga salitang Espanyol, wala na tayong magagawa dun, ang 300 taong pagsakop ay mahabang panahon.  Karamihan sa mga naisulat ko noon ay mga tula na sa wikang Filipino. Malamang tungkol yun sa mga mababaw at korny na bagay, pero naaalala kong nasa Filipino sila at di Ingles.

 

Alam ko na malaking impluwensiya dito si Jose P. Rizal. Sa elementarya pa lang, bumaon na sa utak ko ang mga salitang “ang di magmahal sa sariling wika, ay higit pa ang amoy sa mabahong isda –“ siguro dahil araw-araw ata namin itong inaawit. Pero ang galing talaga ni Rizal, dahil wala naman siyang binanggit na wag matuto o gumamit ng ibang wika. Bagkus nag-aral sya ng ibang mga lenggwahe (parang mali ata ito na tagalog) upang kaya niyang makisalamuha sa mga iba’t ibang tao sa labas man ng bansa.  Hayop eh! Astig! Makatas at ang galing nyang magsulat sa Filipino, pero kinaya niya ding magsulat sa Espanyol, Ingles at Alemanya. Kaya wala kang masabi sa kanya tungkol sa wika eh kasi hindi niya ginawang limitado ang sarili sa iisang wika. Mahal talaga ni Rizal ang ating salita pero para mas maipakilala niya ang sarili, ang bansa at ang mga pangarap at nais niya para sa kasarinlan natin, natuto syang makipag-usap sa mga hindi Pilipino. Yan ang pagmamahal sa bansa.

 

Gusto kong matuto ng iba pang mga salita dahil din kay Rizal. Gusto kong mag-aral ng Spanish at French, at kung kakayanin ng powers baka pwede din magMandarin dahil mukhang mahalaga ito para sa kinabukasan. Parang masaya din matutunan ang mga salita ng mga Italyano at Dutch (parang sosyal lang sila, ganun. hahaha).

 

Pero sa ngayon, ipinagmamalaki kong madami-dami din ang wikang-Pinoy na alam ko. Lamang nga talaga kaming mga taga-Mindanao kasi mas malaking bahagi ng bansa ang nag-bibisaya so kahit sabihin nilang iba ang dila namin pag nag-Tagalog ok lang. Di bale na, pag nag-usap naman kami sa Bisaya ng mga taga-Visayas malamang di niyo maiintindihan kahit pa nilalait-lait namin kayo. (wehehehe). Marunong akong mag-Tagalog,  Tatao ako mag-Bicol (dikit da) pero kaya kong makipag-usap, Kabalo ko magBisaya (at dahil mag-iisang taon na akong Bukidnon based – ang husay ko na kaya magBisaya!), Katuen a tag-Binukid/Pulangiyen, Kaya kong mag-Ilonggo (kasi malapit lang naman sa bisaya).  Ang medyo nahihiya lang ako, 50% ng dugo ko Kapampangan pero sobrang kaunti lang ang alam kong mga salita – karamihan mga pang-uri lang o di naman kaya mga “bastos” na salita na itinuro ng mga pinsan kong lalaki para daw di kami mabastos. Malamang ito ang susubukang kong pag-aralan muna, ang magKapampangan.

 

Mahaba na ito at wala na sa punto. Ang akin lang Idol ko talaga ang pagmamahal ni Rizal sa wika. Pero gaya din ng pagmamahal niya ang nais kong isabuhay – ang pagmamahal na mapagpalaya.; na hindi itinatali ang sarili sa iisang kaalaman at kagustuhan; na may nais na marating pero alam ang pinanggalingan at kayang bumalik ng walang takot at walang pag-aalingan.

 

Marunong akong managalog, minsan batid kong sa halos 8 taon ko na naka-base sa Maynila ay nahawa na din ako sa tono at pananalita dun; Madalas Bisaya at Binukid ang gamit ko habang nagtatrabaho sa Bukidnon; at kapag kausap ko ang mga kaibigan ko sa UK at US e para akong nasasapian at biglang nagkakaBritish accent (na pramis di ko naman sinasadya, nakakahawa lang) – pero sa paglapag pa lang ng eroplano sa paliparan ng Davao o kaya pagpasok ng bus sa BUDA mula bukidnon – ang dila ko ay bumabalik sa lupang kinalakhan, TagBis dyud pagmagsalita at pagkausap ang mga kaklase at kaibigan sa Davao. Ganyan man talaga uy pag di ka Hilas, alam mo man na ganun man talaga kayo magsalita so bakit mag-arte-arte. 

No comments:

Post a Comment